The Catholic Preachers Group

Sunday, April 11, 2010

Si Maria sa Biblia

SI MARIA SA BIBLIYA
ISAGANI L. LOPEZ
Nihil Obstat: Msgr. Jose C. Abriol
Imprimatur: Msgr. Josefino R. Ramirez

Marami na ang naisulat tungkol kay Maria sa kaniyang pagiging Ina ng Diyos, ang pag-akyat niya sa langit at sa kanyang pagiging Immaculada Concepcion. Ang dahilan ng pagsasa-aklat ng tungkol kay Maria ay upang matugunan ang lahat ng paninira at pagtuligsa ng mga kaaway ng Simbahan na hindi tumitigil hanggang sa mga panahong kasalukuyan. Dahil sa paninirang ito, maraming mga Katoliko ang umalis sa tunay na Katawan ni Cristo at nakiisa sa pagtuligsa sa Simbahan at sa pananampalataya nito. Ayon sa kanila, ang pananampalatayang Katoliko ay lihis sa tunay na sinasabi ng Banal na Kasulatan.


1. Ayon sa kanila, ang mga Katoliko ay sumasamba kay Maria bilang isang Diyos.
2. Hindi sila naniniwala na si Maria ay Ina ng Diyos.
3. Hindi sila naniniwala na si Maria ay tunay na Immaculada Concepcion.
4. Hindi sila naniniwala na si Maria ay iniakyat sa langit.

Maniniwala lamang daw sila kung ang mga bagay na ito ay nakatala sa Banal na Kasulatan. Ilan lamang ito sa mga tuligsang ginagamit ng mga kaaway ng Simbahang Katoliko upang maakit ang mga Katolikong umanib sa kanila. Hindi kataka-taka kung ang karaniwang mamamayang Katoliko ang umanib sa kanila, sapagkat walang kamuwangan ang mga ito tungkol sa doktrina ng Simbahan. Subalit kung ang isang pari o obispo ang umanib sa kanila, ito ay malaking pinasala ang magagawa. Bago pa man maitatag ang Baptist Church, Methodist at itong mga kumakalat ngayong mga Fundamentalista, ang isyu tungkol kay Maria ay malaon nang naganap. Nagsimula ito sa isang Patriarka ng Constantinopla na si Nestorius. Si Nestorius na nagsimula bilang monghe na naging pari muna bago naging isang Obispo ay nagpahayag na hindi dapat tawaging Ina ng Diyos si Maria. Mula kay Nestorius marami pang mga Obispo at pari ang kumalaban sa paniniwalang ito ng Simbahan. Nananatili ang kanilang paniniwalang kund hindi ito nakatala sa Banal na Bibliya ay hindi dapat panaligan.

Sa ikalilinaw ng pananampalatayang Katoliko, narito sa aklat na ito ang kasagutan sa matagal nang isyu tungkol kay Maria. Noong lalangin ng Diyos ang tao, babae at lalaki, inilagay sila sa isang hardin sa silanganan ng Paraiso. Ang unang batas ng Diyos sa tao ay “huwag kakainin ang bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan.” Dahil sa katusuhan ng Diyablo nadaya niya ang mga unang tao na sina Eba at Adan. Ang pagsuway sa utos ng Diyos ang kauna-unahang kasalanan na ginawa ng tao sa lupa. Dahil sa kasalanang ito nagpahayag ang Diyos ng tungkol sa darating na panahon:
“Ikaw at ang babae’y laging mag-aaway. Binhi mo’t binhi niya’y lagging maglalaban. Ito ang dudurog ng ulo mong iyan at ang sakong niya’y ikaw ang tutuklaw” (Genesis 3:15).

Ang “IKAW” na tinutukoy ng Diyos ay ang Diyablo at ang babae naman ay hindi tinukoy kung sino. Ayon sa Genesis 3:15, ang Diyablo at babae ay lagging mag-aaway, yaong binhi ng Diyablo at binhi ng babae ay laging maglalaban. Subalit walang tinutukoy kung sino ang Babae at ang Binhi. Ayon sa Simbahang Katoliko ang babaeng tinutukoy ay si Maria sa Bagong Kasulatan. Sa mga kaaway ng Simbahang Katoliko hindi raw si Maria ang tinutukoy ng Diyos na “BABAE.” Kung pag-aaralang mabuti ang siasabi sa bersikulong ito, mapapansin natin ang mga salitang binitiwang ito ng Diyos. Ayon dito yaong Diyablo at ang babae’y magka-away. Ang salitang “magka-away” ay may kahulugan, hindi maaapektuhan ng kasamaan ng Diyablo ang babae. At ang babae nama’y hindi niya maaapektuhan ang Diyablo, sapagkat sila’y magkaaway. Sa madaling salita hindi sila magkakaroon ng relasyon sa isa’t-isa. Si Eba ay hindi maaaring ang babaeng tinutukoy dito, sapagkat siya ay naapektuhan na ng kasamaan ng Diyablo. Noong sila’y [Eba at Adan] ay sumuway sa utos ng Diyos, ang relasyon nila sa Diyos ay naputol na kung kaya sila pinalayas sa hardin ng Diyos. Dahil sa pananalig niya sa mga salita ng Diyablo, si Eba ay naging kaaway ng Diyos. Kung hindi si Eba ang babaeng tinutukoy sa Genesis 3:15, samakatuwid hindi pa isinisilang ang tinutukoy na ito ng Diyos na magiging kaaway ng Diyablo. Sa bersikulong ito nililiwanang na karaka-raka na ang babaeng isisilang na magiging kaaway ng Diyablo ay hindi maapektuhan ng kasamaan. Nangangahulugan na hindi pa man isinisilang ang babaeng ito ay walang kasalanan sapagkat maliwanang ang pagkakasalita ng Diyos dito: “IKAW AT ANG BABAE AY LAGING MAG-AAWAY.” Kung si Maria ang babaeng tinutukoy dito, maliwanang na si Maria’y hindi pa man naisisilang ay wala nang kasalanan. Marami pa rin ang hindi naniniwalang si Maria ang tinutukoy na babae. Maaaring masabi rin natin na wala namang tinutukoy kung sinong babae ito. Subalit sa aklat ni Isaias niliwanang niya ito kung anong uring babae ang makakaaway ng Diyablo:

“Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng isang palatandaan. Maglilihi ang isang dalaga, at ito’y manganganak ng lalake at ito’y tatawaging Emmanuel” (Isaias 7:14).
Maliwanag na sinasabi ni Propeta Isaias na ang ipanganganak ng Babae ay isang Makapangyarihang Diyos kung kaya tinawag na “Ang Diyos ay Sumasaatin” (Emmanuel). Ang sanggol na isisilang ng dalaga ayon kay Propeta Isaias ay isang Diyos, isang taong Diyos. Kung ang isisilang ng babae ay isang taong Diyos o Diyos na tao, maliwanag na ang dalaga ay magiging Ina ng Diyos na tao. Ang Simbahang Katoliko ay nagpahayag na si Maria ang babaeng tinutukoy sa Genesis 3:15 at sa Isaias 7:14. Dahil sa paniniwalang ito ipinahayag ng Simbahan na si Maria ay tunay na Ina ng Diyos na si Jesus. Sa pangyayaring ito marami ang tumutol – hindi sila sang-ayon na tawaging Ina ng Diyos si Maria. Ayon sa kanila, “Paano magiging Ina ng lumalang ang kanyang nilalang lamang?” Ano ang tunay na dahilan nila upang hindi nila matanggap na si Maria ay tunay na Ina ng Diyos. Batay sa kanilang mga aklat ang Diyos (Ama ang tinutukoy nila) ay hindi maaaring magkaroong ng ina. Kung ating pag-aaralang ang kanilang mga pagtuturo tungkol sa pagiging Diyos ni Jesus, malalaman natin na ang Diyos Ama ang siya rin ang naging Anak ng Diyos. Sa madaling salita, ang Ama ang siya ring nagging Anak. Kaya’t hinid nila matanggap na si Maria ay Ina ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit nasasabi nila na “Paano magiging Ina ng Lumalang ang kaniyang nilalang lamang?” May mga nagtuturo na ang Diyos ay mayroong tatlong persona. Ang salitang persona ay hango sa salitang Griyego ba “PROS” [Prosopon]. Ang kahulugan ng salitang ito ay “ginampanan” (role). Ayon sa kanilang pagkaka-unawa ang Diyos ay gumanap sa tatlong katauhan (persona). Una Siya ang Ama, ikalawa Siya sa anyong Anak at sa iktalo sa anyong Espiritu Santo. Ito ang dahilan kung bakit hindi nila matanggap na si Maria ay tunay na Ina ng Diyos. Maraming relihiyon ang naniniwala na ganito rin ang paniniwala at doktrina ng Simbahang Katoliko. Dahil dito binatikos nila at siniraan na sinasabing hindi turo ng Diyos ang mga turong Katoliko.

Sa Katoliko iba naman ang kanilang paniniwala tungkol sa Diyos, Ayon sa simbahan mayroon isang Diyos at ito’y binubuo ng tatlong Persona. Ang Ama ay isang persona, ang Anak ay isang persona at ang Espiritu Santo ay isang persona. Ang tatlong persona ay pawing magkakaiba. Ang Ama ay iba sa Anak, ang Ama at Anak ay iba sa Espiritu Santo. Ang nagging anak ni Maria ay hindi ang Ama kundi ang Anak sa siyang Ikalawang Persona. Sa ibang relihiyon lumalabas na ang anak ni Maria ay ang Ama; sa Katoliko hindi ang Ama kundi ang Anak.

Kung ang pagbabatayan natin ang sinasabi ni Propeta Isaias na isang dalaga ang maglilihi ang manganganak ng isang lalaki at ang batang lalaking ito ay isang Makapangyarihang Diyos. Maliwanag na ang dalaga ay magiging Ina ng Makapangyarihang Diyos, sapagkat ang kanyang iluluwal sa maliwanang ay isang Diyos. Kung si Maria ang sinasabi ng Simbahan na dalaga o babae, ito’y batay na rin sa Banal na Kasulatan:

“Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y pangangalanan mong Jesus. Siya’y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan, Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan” (Lukas 1:30-33).

“Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos” (Lukas 1:35).

Mapapansin natin na ang pahayag ni Propeta Isaias tungkol sa ibibigay na palatandaan ng Panginoon na isang dalaga ang maglilihi at manganganak ng isang lalaki ay naganap kay Maria. Isang anghel ang lumitaw o dumalaw kay Maria at nagpahayag na siya ay maglilihi at magdadalangtao. Si Maria ay isang dalaga at nakatakda pa lamang ikasal sa isang lalaking Jose ang pangalan. Ang lahat ng pahayag ni Isaias ay pawang naganap kay Maria sa pamamagitan ng anghel. Ang kahulugan ng salitang anghel ay “mensahero” o “tagapag-hatid ng balita.” Ipinahayag ng anghel ang balita kay Maria mula sa Diyos. Sa pangyayaring ito maliwanag na si Maria and tinutukoy na “Babae” at wala nang iba. At kung siya nga ang tintukoy na babae, si Maria ay tunay na Immaculada Concepcion sapagkat hindi pa siya ipinanganganak ayon sa pahayag ng Diyos, siya y magiging kaaway na ng Diyablo. Kaya’t si Maria bago pa lamang bumuko (conception) sa sinapupunan ng kanyang ina, siya ay wala nang kasalanan. Doon sa paninirang ginagawa ng mga kaaway ng simbahan na nagsasabing “si Maria ay may kasalanan” batay sa Roma 3:23 (“ang lahat ay nagkasala”), ito ay walang katotohanan at paninirang-puri na lamang nila ito sa “Babae.” Kung sakali naming tunay na kinakalaban nila si Maria, hindi kataka-takang maganap ito dahil sa ang Diyablo at ang babae’y laging mag-aaway. Ang mga tumutuligsang ito ay hindi na mga tao ng Diyos kundi kaaway na ng Babae. Sapagkat ang babaeng ito ay pinili ng Diyos sa bunton ng mga kababaihan upang maging Ina ng kanyang Anak. At ang mga kaaway ng Babae at ng binhi nito ay kaaway rin ng Diyos. Kung si Maria ay marumi, papayag ba ang Diyos na ang kanyang Bugtong na Anak ay magmula sa marumi?
"Sinong makakakuha ng malinis na bagay sa marumi? Wala!" (Job. 14:4).

Tungkol naman sa pagiging Ina ng Diyos ni Maria, si Propeta Isaias ay maliwanag na ipinahayag ang tungkol sa magiging anak ng dalaga. Hindi sinasabi ni Propeta Isaias na ang dalaga ay gagamitin lamang ng Diyos na instrumento. At ito’y niliwanag ng anghel Gabriel na ang anak niya ay tatawaging Anak ng Diyos. Maliwanang na ang Anak ni Maria ay Anak ng Diyos. Hindi ang Diyos Ama ang anak ni Maria, kundi ang Anak ni Maria ay ang Anak ng Diyos. Kung ang anak ni Maria ay Anak ng Diyos, at ang Anak ng Diyos ay Diyos, si Maria ay Ina ng ng Anak ng Diyos na Diyos.

Mula nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa babaeng magiging palaging kaaway ng Diyablo, nagkaroon lamang ito ng kaganapan pagkaraan ng mahabang panahon. Noong dumalaw ang anghel Gabriel kay Maria, ang mga Judio [Ang salitang Judio ay hango sa tribo ng anak ni Jacob na si Judah] ay alipin ng makapangyarihang Imperyong Romano. Kahit na sila’y sakop ng Imperyo ng Roma, hindi pinakialaman ang kanilang pananampalataya. Pinabayaan silang ipagpatuloy ang kanilang kinagisnang kaugalian at pananampalataya. Noong dumalaw ang anghel Gabriel kay Maria, ayon sa kasulatan si Maria’y nakatakda nang ikasal kay Jose:
"Nang ika-anim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nasaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa lipi ni Haring David" (Lukas 1:26-27).

Dito’y walang sinasabi kung ilang taong gulang si Maria at si Jose. Ayon sa [tradisyon ng] Simbahang Katoliko, [humigit-kumulang sa] 14 na taong gulang si Maria ng ipanganak niya si Jesus. Maaaring may katuwiran ang Simbahan sapagkat mayroong mga kaugalian ang mga Judio tungkol sa gulang ng pag-aasawa ng lalake at babae. Ang mga lalaki at babae sa mga Judio na nasa gulang na 13 hanggang 18 ay inihahanda na sila sa pag-aasawa. Sampung atong gulang pa lamang ang mga bata ay tinututuruan na sila ng tungkol sa buhay may-asawa, lalong lalo na ang unang gabi ng kanilang pagsasama. Ang kanilang mga magulang o matatandang kamag-anak ang nagtuturo sa kanila ng dapat nilang gawin sa buhay may-asaw. Ang kanilang mga magulang ang pumipili ng kanilang mapapangasawa. Sa mga Judio ang pagliligawan ay wala sa kanilang kaugalian. Maaring nanilbihan si Jose sa mga magulang ni Maria. Maaari rin naming naghandog si Jose ng mga bagay na mahahalaga sa magulang ni Maria. Ayon sa Simbahang Katoliko ang naganap upang maging asawa si Jose at si Maria ay kagustuhan ng Diyos. Ang Diyos ang pumili kay Jose na maging asawa ni Maria. Ang lahat ng ito’y hindi natin matatagpuan sa Banal na Kasulatan. Sa Pilipinas ang mga kaugalian ng mga Judio na magulang ang pumipili sa mapapangasawa ng kanilang mga anak ay siya rin kaugalian natin. Sa mga Judio ang mga tumutupad sa kanilang kaugalian at batas ng pananampalatay ay mga taong tinatawag na Matutuwid (CHASSIDIM).
Ayon sa kasulatan noong dumalaw ang anghel Gabriel kay Maria, siya’y nakatakda nang ikasal kay Jose, pagkatapos ng pagdalaw na iyon ng anghel, hindi nagtagal siya ay dumalaw sa pinsan niyang si Elisabet. (Ang salitang “hindi nagtagal” ay maaaring ilang araw lamang). Maaaring ang pagdalaw ni Maria kay Elisabet ay upang batiin niya ito dahil sa mabuting balitang ipinahayag sa kanya ng Anghel. Ang paglilihi at pagdadalang-tao ni Elisabet ay hindi marahil nabatid ng pamilya ni Maria kundi sa pamamagitan ng anghel. Hindi sinasabi sa kasulatan kung ipinagtapat ni Maria kay Jose ang tungkol sa pagdalaw ng anghel sa kaniya. Malayo rin naman ang Judea sa Galilea upang umalis si Maria ng hindi nagpapaalam kay Jose at sa kaniyang magulang. Sa mga Judio ang isang babaeng nakatakda nang ikasal ay halos pag-aari na ng lalake, kaya lamang hindi maaaring umalis si Maria ng hindi nag-papaalam sa kaniyang mapapangasawa. Pagdating niya sa Judea sa bahay ni Elisabet binati niya ang huli. Nang marinig ni Elisabet ang tinig ni Maria naggagalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan.

“At buong galak na sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan. Sino ako upang dalawin ng Ina ng aking Panginoon?” (Lukas 1:42-43).
Kabaliktaran ang nangyari, sa halip na si Maria ang bumati kay Elisabet dahil sa pagdadalang-tao nito, siya pa ang binati. Ang nakapagtataka paano nalaman ni Elisabet na mayroong dinadalang bata sa sinapupunan si Maria. Wla naman tayong mababasa na may nagsabi sa kanya tungkol sa naganap kay Maria at sa anghel. Sa himig ng pananalita ni Elisabet lumalabas na alam niya ang lahat ng naganap kay Maria. At tungkol naman sa sinapupunan ni Maria nakapagtataka at nalaman niya na mayroon nang sanggol sa loob nito. Sa naganap na pagtatagpong ito ni Maria at Elisabet mahihinuha na natin na ang isang taong napupuspos ng Espiritu Santo ay nagkakaroon ng kapangyar ihang malaman ang naganap at magaganap pa. Sa tagpo pa ring iyon nalaman natin sa si Maria makalipas lamang ang ilang araw mula ng dalawin ng anghel ay nagdadalang-tao na. Noong dumalaw siya kay Elisabet nagsisimula nang bumuko ang sanggol sa kanyang sinapupunan, samantalang si Elisabet naman ay nasa ika-anim na buwan ng pagdadalang-tao. Tatlong buwan tumigil si Maria sa tahanan ng kanyang kamag-anakang si Elisabet (Lukas 1:56). Kaya’t noong umalis si Maria sa Judea ganap nang ika-siyam na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet. Maari rin namang nakapanganak na si Elisabet nang umalis ng Judea si Maria, sapagkat ang pagdadalang-tao ng isang babae ay siyam na buwan lamang. Sa tagal naman ng pagtigil ni Maria sa tahanan ni Elisabet ang paglaki ng kanyang tiyan ay hindi na maililihim sa mata ng tao. Nang bumalik siya sa Galilea, natuklasan ni Jose na siya ay nagdadalangtao na.

“Ganito ang pagkapanganak kay Jesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Mari ay natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo” (Mateo 1:19-20).

Umalis si Maria sa Galilea at pumunta sa Judea ng walang nakakaalam ng naganap sa kaniya. Sa pagbabalik na ito ni Maria na malaki na ang kaniyang tiyan inakala ni Jose na mayroong naganap na pakikipagtalik sa iba, kung kaya’t ipinasiya niyang hiwalayan ito ng lihim. Ang gagawing paglayo ni Jose kay Maria ay upang iligtas ang babae sa tiyak na kahihiyan. Sapagkat kung totoo ang kutob ng kanyang loob ang lalaking naging sanhi ngpagdadalang-tao ni Maria ay hindi makatitiis na hindi ilantad ang katotohanan. At kung mangyari ang ganito ay mapapahiya si Maria, hindi lamang sa kaniya kundi sa buong Galilea.

“Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito ng lihim” (Mateo 1:20).

Binabalak pa lamang ni Jose ang paghihiwalay kay Maria, isang anghel ang nagpakita sa kanya sa panaginip. Palibhasa isang taong matuwid si Jose kung kaya’t maging ang panaginip ay kaniyang pinaniniwalaan. Pinakasalan niya si Maria hindi na dahil sa makamundong hangarin kundi dahil sa pahayag ng anghel. Ang pahayag ng anghel na ito kay Jose ay matagal nang inaasam-asam ng mga Judio. Mula pa noong ipahayag ito ni Propeta Isaias inaasahan na ng mga Judiong magkakaroon ng katuparan ito. Isa si Jose sa umaasang magaganap na ang lahat ng ito. Sina Simeon at Ana ay matagal nang naghihintay ng kaganapan sa hulang ito ni Propeta Isaias.

“May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangalan Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hanggat hindi niya nakikita ang Mesias na ipinangako ng Panginoon” (Lukas 2:25).

“Naroroon din sa templo ang isang propetang babae na ang pangala’y Ana na anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Asor. Siya’y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kaniyang asawa” (Lukas 2:36).

Ang pagpapakasal ni Jose kay Maria ay hindi na bilang lalaking may pagnanasa sa kapurihan ng isang babae. Sa mga Judio ang pag-aasawa ay isang banal na tungkulin at ito ay naaayon sa kautusan ng kanilang pananampalataya. Sa mga Judio ang babae ay ikalawa lamang sa mga lalaki. Hindi nakapangyayari ang kagustuhan ng babae sa loob ng tahanan, wala siyang karapatan habang naroon ang lalaki sa tahanan. Ang lalaki ang nakapangyayari maging sa puso ng mga babae. Mayroon pang kaugalian ang mga Judio na kapag ang isang lalaking may-asawa ay namatay, ang kanyang asawang naulila na hindi nabiyayaan ng anak na lalaki ay magiging pag-aari naman ng susunod na kapatid na lalaki. Ang balong asawa ay mananatiling pag-aari ng lalaki habang hindi ito nagkakaroon ng anak na lalaki. At kung magkaanak na ang babae ng lalaki ang batang isinilang ay ituturing namang anak ng asawang namatay.

“Guro, itinuro po ni Moises, kung mamatay na walang anak ang isang lalaki, ang kanyang kapatid ay dapat pakasal sa balo upang magkaanak sila para sa namatay. Noon po’y may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak kaya naiwan ang kanyang asawa sa kanyang kapatid. Gayon din ang mangyari sa pangalawa, sa pangatlo hanggang sa pamptio. Pagkamatay nilang lahat, namatay naman ang babae. Ngayon, sino pos a pito ang kanyang magiging asawa sa muling pagkabuhay, yamang siya’y napangasawa nilang lahat?” (Mateo 22:24-29).

May kaugalian pa rin ang mga Judio tungkol sa buhay may-asawa. Ang lalaki ay dapat lamang sumiping sa kanyang asawa tuwing sasapit ang araw ng Biyernes bilang pagdakila sa Araw ng Pamamahinga. Ang mga gumaganap ng mga ganitong bagay ay yaon lamang mga taong tinatawag na Matuwid na sumusunod sa mga kautusan ng kanilang pananampalataya. Ang pagsiping sa kanilang mga asawa ay naaayon pa rin sa kautusan. May batas ng pananampalataya ang mga Judio tungkol sa pagsiping nila sa kanilang asawa. Ang semilyang lumalabas sa lalaki ay isang banal na bagay. Sa kanilang pananampalataya ang magtapon nito ay mamamatay. Ipinagbabawal ng kanilang pananampalataya ang pagsiping sa babae walong araw bago dumating ang bisita nito (menstruation) at walong araw pagkatapos. Sapagkat ayon sa kanilang pananampalataya ang semilya ng lalaki ay hindi mabubuo at magiging bata sa mga panahong iyon. Gayon din naman ipinagbabawal sa kanila ang paliligo ng mainit na tubig bago sumiping sa kanilang asawa. Sapagkat ang semilya raw ng lalaki ay hindi makabubuo dahil sa init ng tubig. Ipinagbabawal din ang pagtulog na katabi ang kanilang asawa na sukob sa isang kumot. Kaya’t hindi kataka-taka na ipagbawal ng Simbahang Katoliko ang tungkol sa Family Planning (paggamit ng ganot at iba pa, gayon din ang pagtatapon ng semilya). Ang lahat ng pagbabawal na ito ay hango at mula sa kautusang minana ng Simbahan. Noong nagsasama na si Jose at si Maria hindi ginalaw ni Jose si Maria.

“Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinangalanan niyang Jesus” (Mateo 1:25).

Sa mga Judio bawal sa kanila ang gumalaw ng babae lalo na kung ito ay may laman na sa sinapupunan. Sapagkat si Jose ay isang taong matuwid nalalaman niya na hindi dapat sumiping ang isang lalaki sa isang babae kung ito ay nagdadalang-tao na. May kaugalian pa rin ang mga Judio tungkol sa mga babaeng bagong panganak. Ang kaugaliang ito ay minana pa nila sa kapanahunan ni Moises. Nagpasalin-salin ang kaugaliang ito hanggang sa kapanahunan ni Maria.

“Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin. Kung ang babae ay maglihi at manganak ng isang lalaki ay magiging karumal-dumal na pitong araw, ayon sa mga araw ng karumihan ng kanilang sakit ay magiging karumald-dumal. At sa ikawalong araw ay tutuliin ang bata sa laman ng kaniyang balat na masama. At siya’y mananatiling tatlongpu’t-tatlong araw na maglilinis ng kaniyang dugo, huwag siyang hihipo ng anumang bagay na banal, o papasok man sa santuario, hanggang sa matupad ang mga araw ng kaniyang paglilini. Ngunit kung manganak siya ng babae, ay magiging karumal-dumal nga siya ng dalawang linggo, ayon sa kaniyang karumihan, at mananatiling animnapu’t-anim na araw na maglilinis ng kaniyang dugo” (Levitico 12:2-7).

Pagkatapos ng apatnapu’t-isang araw mula ng manganak ang isang babae, siya ay magiging malinis na. Sa madalin salita ang babae ay puwede nang sipingan. Ng kanyang asawa. Kung babasahin lamang ang bersikulang Mateo 1:25 ang salitang “hanggang ipanganak ang isang batang lalaki,” lumalabas na pagkalabas ni Jesus sa maliwanang ay ginalaw na ni Jose si maria. Kung sinipingan ni Jose si Maria pagkatapos ng paglilinis niya ng dugo, dapat hindi nagtagal ay muling nagbuntis si Maria. Kung nanganak na muli si Maria at ang sumunod niyang anak ay lalaki, ito ay panganay na anak ni Jesus. At ayon sa kaugalian ng mga Judio, ang pangangay na anak na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.

“Sapagkat lahat ng mga panganay ay sa akin, sapagkat ang araw na aking lipulin ang lahat na mga panganay sa Ehipto ay aking pinapaging banal sa akin ang lahat ng mga panganay ng Israel, maging tao at maging hayop, sila’y magiging akin, ako ang Panginoon” (Bilang 3:13).

Gayon nga ang nagyari ng isilang ni Maria ang kanyang panganay na anak na si Jesus. Inialay niya ang sanggol sa templo ayon sa kanilang kaugalian.

“Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila ayon sa kautusan ni Moises, sila’y pumunta sa Jerusalem. Dala nila ang sanggol upang iharap sa Panginoon. Sapagkat ayon sa Kautusan ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa panginoon” (Lukas 2:22-23).

"Pakabanalin mo sa akin ang lahat ng mga panganay anumang nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel, maging sa tao at maging sa hayop ay akin” (Bilang 13:2).

Ayon sa mga tuligsa tungkol kay Maria, pagkatapos daw na maipanganak si Jesus ay ginalaw na ni Jose si Maria. Hinango nila ang paninirang ito sa salitang “HANGGANG SA MAIPANGANAK ANG BATANG LALAKI.” Dahil dito maraming Katoliko ang naniwala na si Maria ay hindi na maaari pang tawaging “BIRHEN,” sapagkat siya ay diumanoy ginalaw na ni Jose at nagkaroon ng ibang anak.

Ang salitang “HANGGANG IPINANGANAK” ay tumutuloy mula sa paglabas ng bata hanggang sa panahong tumanda ito. Hindi nangangahulugan na ang salitang “hanggang” ay natatapos lamang paglabas ng bata sa maliwanang. Kung si Maria ay ginalaw ni Jose paglabas ng bata sa maliwanag, kailan at ilang taon na si Jesus bago lumabas ang ikalawang anak naman ni Maria. Kung ang ikalawang anak ni Maria ay lalaki ito ay muli nilang ihahandog sa templo sapagkat panganay na anak naman ito ni Jose sa tunay na buhay. Kapag inihandog naman nila ang kanilang ikalawang anak sa Templo, maraming Judio ang mag-uusisa kung paano nangyari at dalawang beses silang nag-alay ng kanilang anak na panganay. Dahil dito mabubunyag ang nakatagong lihim tungkol sa kanilang anak na si Jesus. At kung lumabas at ipagtapat nila ang katotohanan, sinong Judio ang maniniwala sa kanilang sasabihin? Tungkol naman sa sinapupunan ni Maria na pinanggalingan ni Jesus, papayag ba ang Diyos na marumihan ang bahay-bata ni Maria? Ang sinapupunan ni Maria ay tulad ng pinaglagakan ng dalawang tapyas na bato ang Kaban ng Tipan. Ang kaban ng tipan ay hindi maaaring hawakan ng kahit sinong tao lamang. May mga taong tanging sila lamang ang maaaring humawak ng kabang ito. Ang sinumang humawak ng walang pahintulot mula sa Diyos ay tiyak na mamamatay. Sapagkat ang nasasaloob ng kabang iyon ay ang dalawang tapyas na batong mula sa Ama. Gayon din ang sinapupunan ni Maria na pinaglagakan ng bugtong na Anak ng Diyos, ito’y hindi maaaring dumihan ng kahit sino. Sapagkat ang sinapupunang ito ni Maria ay isang tunay na banal na Kaban ng Tipan. Dito inilagay ng Diyos ang kanyang Bagong Tipan sa atin – ang kaniyang Bugtong na Anak. Upang mapatotohanan na tunay na hindi ginalaw ni Jose si Maria, alamin natin ang naging buhay ng mag-asawa paglabas ni Jesus sa maliwanag.

“Taon-taon, tuwing Pista ng Paskua, ang mga magulang ni Jesus ay pumunta sa Jerusalem. Ang ng labin-dalawang taon na siya, sila’y pumaroon gaya ng dati nilng ginagawa” (Lukas 2:41-42).

Kung katotohanan ang mga pagbibintang ng marami na ginalaw ni Jose si Maria pagkatapos na mailuwal sa maliwanag si Jesus. Bakit sinasabi sa bersikulong ito na labin-dalawang taon na ang nakalilipas mula ng isilang si Jesus ay wala pa ring tinutukoy na kapatid niya? At ayon dito tuwing Pista nagpupunta sila sa Jerusalem at walang binabanggit na kasama silang kapatid si Jesus, Dapat sa gulang na labin-dalawang taon ni Jesus, kung totoong ginalaw ni Jose si Maria ng maipanganak si Jesus, dapat may isa o hanggang limang kapatid si Jesus. Sapagkat batas ng kaugalian ng mga Judio ang magkaroon sila ng maraming anak.

“At sila’y binasbasan ng Diyos at sa kanila’y sinabi ng Diyos, kayo’y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin, at magkaroon kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawat hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa” (Genesis 1:28).

Ang besrsikulong Mateo 1:25 ay paglilinaw lamang ng isang katotohanan na hindi ginalaw ni Jose si Maria. Kung walang gumalaw na lalaki kay Maria siya ay tunay na birhen. Sapagkat ang pagiging tunay na birhen ng isang babae ay hindi lamang sa pagkasira ng kanilang pagkababae (“hymen”). Kung nasira ang hymen ng isang babae dahil sa pangangabayo ay hindi nangangahulugang hindi na siya birhen. Iba ang batas ng relihiyon at medisina. Maraming dahilan ang maaaring pagkasira ng hymen ng isang babae, subalit hindi maaaring sabihing hindi na birhen ito kung hindi naman nagalaw ng isang lalaki. Kaya’t sa batas ng relihiyon gayon din sa batas ng Diyos, hanggat ang babae ay hindi nagagalaw ng isang lalaki, itinuturing siyang isang birhen. Kaya naman si Maria ay tinawag nating tunay na isang birhen sapagkat walang lalaking nakagalaw sa kanya, batay sa sinasabi ng kasulatan “HINDI GINALAW NI JOSE SI MARIA.” Sinabi sa kasulatan na hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang batang si Jesus ay upang ipabatid na si Jesus ay hindi nabahiran ng karumihan ng pagnanasa ng tao. Gayon din naman upang ipabatid sa sanlibutan na ang pinanggalingang sinapupunan ay hindi narumihan.

No comments:

Post a Comment